Sunday, March 6, 2011

SA GABI NG ISANG PIYON

Paano ka makakatulog?
Iniwan man ng mga palad mo ang pala,
Martilyo, tubo’t kawad at iba pang kasangkapan,
Alas-singko’y hindi naging hudyat upang
Umibis ang graba’t semento sa iyong hininga.
Sa karimlan mo nga lamang maaaring ihabilin
Ang kirot at silakbo ng iyong himaymay:
Mga lintos, galos, hiwa ng daliri braso’t utak
Kapag binabanig na ang kapirasong playwud,
Mga kusot o supot-semento sa ulilang
Sulok ng gusaling nakatirik.
Binabalisa ka ng paggawa —
(Hindi ka maidlip kahit sagad-buto ang pagod mo)
Dugo’t pawis pang lalangkap
Sa buhangin at sementong hinahalo na kalamnang
Itatapal mo sa bakal na mga tadyang:
Kalansay na nabubuong dambuhala mula
Sa pagdurugo mo bawat saglit; kapalit
Ang kitang di-maipantawid-gutom ng pamilya,
Pag-asam sa bagong kontrata at dalanging paos.
Paano ka matutulog kung sa bawat paghiga mo’y
Unti-unting nilalagom ng bubungang sakdal-tayog
Ang mga bituin? Maaari ka nga lamang
Mag-usisa sa dilim kung bakit di umiibis
Ang graba’t ‘semento sa iyong hininga...
Kung nabubuo sa guniguni mo maya’t maya
Na ikaw ay mistulang bahagi ng iskapold
Na kinabukasa’y babaklasin mo rin.

 
tagaloglang.com/.../tula-sa-gabi-ng-isang-piyon.html
 

No comments:

Post a Comment